Explore the Underrated Treasures of Canlaon City, Negros Oriental

  Explore the Underrated Treasures of Canlaon City, Negros Oriental  Greetings from Canlaon City-my hometown, the agricultural haven of Ne...

Thursday, June 27, 2024

SA UNANG PAGKAKATAON

 



SA UNANG PAGKAKATAON






PANIMULA

               Ang kwentong ito ay tungkol sa aking mahigit dalawang taong panirahan at pagtrabaho bilang isang Overseas Filipino Worker sa Macau.  Ito ay unang beses na makapunta ako ng ibang bansa.

               Sa darating na ika-31 ng Mayo sa taong ito ay matatapos na ang aking kontrata.  Naisipan kong magsulat ng kwento tungkol sa aking mga karanasan dito.  Ito rin ay upang mabasa ng aking nag-iisang anak  ang tungkol sa aking  pangungulila at sakripisyo na ginawa ko para sa pamilya.

               Masaya akong maibahagi ang aking mga hindi makakalimutang karanasan at pakikibaka bilang manggagawa sa isang dayuhang bansa.   Ito na ang isa sa mga magandang nangyari sa aking karera.  Sa mga may balak bumisita at magtrabaho sa Macau, makakatulong din ito sa inyo dahil isinulat ko rin dito ang makikita sa bansang ito.  Ang mga dapat at hindi dapat ninyong gawin.  Sana maaliw kayo sa aking kwento.

              


UNANG KABANATA

ANG AMING PAGDATING


Ika – 9 ng Agosto 2015 – Ang araw kung saan unang beses akong makapunta sa ibang bansa.  At ang bansang ito ay sa Macau.  Unang beses kong narinig ang bansang ito. Dahil siguro hindi ako nagbabasa o sadyang hindi lang masyadong kilala ang bansang ito.  Pero ako ay nagkamali.  Hindi ko  akalain na mayroong maliit na bansang napaka-progresibo dito sa Asya.  Ang Macau ay tinatawag na “Las Vegas sa Asya”  Napakaraming mga Five Star Hotels  at Casino dito.  Kung kulang ang pera mo papuntang Las Vegas sa America eh pwedeng pwede ka dito.  Dalawang oras at kalahati lang galing ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang bansang Macau.  Pero ng dumating na ako dito namangha ako sa sobrang dami ng Pilipino na nagtrabaho at nanirahan na rin dito.  Kahit ito ay parte ng bansang Tsina at ang salita nila ay Intsik at Portuguese, hindi ka masyadong maninibago kasi may mga Pilipino na andito. Meron din namang nagsasalita ng Ingles pero karamihan na magagaling sa Ingles ay ang mga bagong henerasyon na mga Intsik.

Mahigit isang dekada na akong nagtrabaho bilang accounting staff sa iba’t – ibang establisemento sa Pilipinas.  At dahil pinangarap ko na magtrabaho sa ibang bansa at para na rin umangat ang estado ng aming buhay, maraming beses na rin akong sumubok magsumite sa iba’t-ibang kompanya. Pero sadyang hindi ako pinalad sa mga oras na iyon.   Ika-nga sa isang kasabihan, kapag para sa iyo ay ibibigay iyon sa iyo ng panginoon, magdasal at magtiwala ka lang.  Sa pagkakataong ito ay hindi ko naman masyadong sineryoso ang pagsumite ng aplikasyon sa posisyong ito.  Hamak mo mahigit isang dekada akong nagtrabaho sa opisina at ngayon palang ako makapagtrabaho bilang isang silid taga asikaso  sa isang Five Star hotel sa Macau. Ito rin ang unang pagkakatataon na malayo ako sa aking nag-iisang anak.  Wala pa siyang dalawang taon ng ako ay umalis.  Isang napakahirap na desisyon ang iwanan siya pansamantala pero dahil sa malaki ang sahod ko dito, nilakasan ko ang loob ko. 

Noong nasa eroplano na kami, ibat-iba ang nararamdaman ko. Nagugutom at nanlalamig ang mga kamay ko siguro iyon iyong tinatawag nila na “separation anxiety” o di kaya’y masyado lang akong kinabahan.  Sinubukan ko nalang pakalmahin ang sarili at natulog.  Wala akong makausap kasi wala naman akong dating mga kakilala na nakasama sa pagtrabaho ko dito.  May nakilala lang akong tatlong tao noong nasa paliparan pa kami.  Mga kasamahan ko rin sa trabaho.

Pagdating namin sa  Macau International Airport, sinundo kami ng kinatawan ng Human Resources ng kompanya.   Sa pagkakaalam ko mahigit limampu kaming mga bagong empleyado na sabay pumunta sa Macau.  May nakilala akong mga bagong kaibigan.   Sumakay kami ng bus at nag check inn sa isang hotel sa Taipa, Macau.  Ang Taipa ay ang gitnang peninsula ng Macau.  Ang Kompanya na pagtrabahuan namin ay nasa Cotai.  Ang Cotai naman ay isang isla na nakalutang sa tubig.  Ang isla ay gawa ng tao lang. Ipinagdugtong nito ang Coloane at Taipa.  Napakagaling ng mga inhinyerong nakaisip nito.  Makikita mo dito ang replica ng mga hotel na nasa Las Vegas.

                                                       hotel at Casino sa Cotai



Habang kami ay naglakad papuntang hotel na tinuluyan namin, napansin ko na ako ang may pinaka-malaking dalang maleta. Natawa at nagbiro ang isang pinoy na nagsundo sa amin at sinabi niya na “buong bahay mo ata ang dala mo ah”.  Hindi pala dapat nagdala ako ng maraming damit kasi ang daming murang benebentang damit dito.

Pagkatapos naming mag check inn, pumunta kami sa money changer at  nagpapalit ng aming dalang pera na Philippine Peso sa Macau Pataca.  Ang Pataca ay ang tawag sa pera ng Macau.  Bumili din kami ng bus card sa 7/11 at K-mart.  Ang bus card ng Macau ay pwede mong lagyan ng pera para makabili ng mga groceries at para makatipid ka sa pamasahe sa bus dito.  Sa loob ng isang oras kasi kapag gusto mong lumipat ng bus ay hindi mababawasan ang laman ng bus card mo.  Dahil sa unang beses kaming makapunta dito sa Macau, naligaw kami sa aming paglibot.  Buti nalang maraming pinoy dito  na mapagtanungan kung saan banda ang hotel na tinuluyan namin.  Pero kung sakali man na wala kang makasalubong na Pinoy dapat mayroon kang larawan sa iyong pupuntahan.  Ang larawang ito ay pwede mong ipakita sa drayber ng taxi, bus o kung sino man na makasalubong mo na Intsik.  Pagdating namin sa hotel napagalitan kami at sinabihang huwag na huwag humiwalay sa grupo.

Dahil kami ay mga baguhan at wala pa ang aming blue card o VISA, pinayuhan kami na dapat palaging dalhin ang aming pasaporte.  Paminsan-minsan kasi may mga pulis na nagtatanong sa iyong VISA kapag wala kang dala ay may kaukulang multa iyon.


IKALAWANG KABANATA

UNANG ARAW SA KOMPANYA

               Sa ikalawang araw namin sa Macau ay pumunta kami sa Kompanya na aming pagtrabahuan.  Ipinakilala kami sa iba’t-ibang tao na dapat naming lapitan kung may katanungan kami tungkol sa aming trabaho.  Binigyan din kami ng pagkakataon na makakuha ng litrato para maipakita namin sa aming pamilya sa Pilipinas.   Sa araw ding iyon ay kinunan kami ng larawan para  sa aming I.D. sa  Kompanya.  Pero bago kami nakarating doon, alam nyo bang nilakad lang namin simula sa hotel na tinuluyan namin.  Sabi kasi ng nagsundo sa amin kailangan naming maglakad para makabisado namin ang lugar.  Maliit lang naman ang Macau, kapag maligaw ka madali mo lang mahanap ang iyong patutunguhan pero matagal nga lang. 
Tatlumpung minuto kaming naglakad at ang sapatos ko ay may dalawang pulgada ang takong .  Parang gusto ko ng bitbitin ang aking sapatos at magyapak nalang kaso ang init din ng semento. Tiniis ko nalang. Totoo ata ang kasabihan na “tiis ganda.” At isipin nyo ako lang ang nakatakong, naka slacks at blouse.  Ang mga kasama ko ay nakapanglakad na sapatos, t-shirt at saka pantalon.  Natatawa nalang ako kung maalala ko ang araw na iyon.  Kaya kapag kayo ang gustong pumunta ng Macau, magtrabaho man kayo o turista, huwag na huwag magsuot ng sapatos na may mataas na takong.  Maliban nalang kung sanay kayong maglakad na gamit ang ganitong sapatos.

IKATLONG KABANATA

PAGSIMULA NG TRABAHO



               Sa ikatlong araw ko sa Macau ay nagsimula na ako sa aking trabaho.  Marami kami sa araw na iyon.  Mga walumpu siguro sa aming departamento lang.  Bago magsimula ang trabaho ay may maikli kaming pagpupulong. Binigyan kami ng mga pagsanay kung paano maglinis ng kwarto.  Tinuruan din kami kung paano gamitin ang mga kemikal sa paglinis.  Dahil ito ang aking unang pagkataon na maranasan ang ganitong  trabahong, buong atensyon akong nakinig sa nagturo sa amin. Pagkatapos noon ay inikot kami sa ibat-ibang lugar ng hotel. Sa una nakakalito ang dinaanan namin kasi parang pare-pareho ang mga sulok pero may larawan na palatandaan kung saan ka tutungo.  Doon ko rin nakilala ang mga katrabaho kong Intsik at iilang Vietnamese.  Kunti lang sa kanila ang nakapagsalita ng Ingles.  Kaya dapat maparaan ka sa pakikipag-usap sa kanila para kayo ay magkaintindihan. 

               Karamihan sa mga taga Macau ay Cantonese ang kanilang salita.  Ang mga taga Tsina mismo ay Mandarin.  Para sa akin mas madaling matutunan ang Cantonese kasi parang tagalog lang ang pagbigkas, sa tono lang nagkaiba. Bawat tunog kasi ay may ibang kahulugan.  Malalaman mo na ang kausap mo ay Mandarin kasi parang palaging  may “shhh” ang salita nila.  Interesado akong matuto sa salitang Intsik kaya nagdownload ako ng Google translate para matuto kahit mga pangunahing salita lamang. 

               Ang unang dapat mong matutunan na salitang Cantonese ay ang pagbilang kasi palagi mo talaga itong gagamitin. Noong unang lingo na andito ako ay bumili ako sa tindahan at dahil hindi pa ako marunong ng Cantonese, kapag bumili ako ay isang daang Macau pataca ang binigay ko sa nagtinda kasi hindi ko alam magkano ang babayaran ko.  Tiwala nalang ako na hindi ako lokohin sa nagtitinda.  Pwera nalang kapag sa mga supermarket ka bibili kasi may mga presyo ng nakalagay sa mga dapat mong bilhin.  Marami na ring mga malaking supermarket dito sa Macau pero iyong may mga tatak na bilihin, karamihan nakapwesto sa loob ng mga hotel.  Pero ibang-ibang ang mga Supermarket sa Pilipinas kasi meron talaga siyang sariling gusali. Dito kasi ang karamihang mga tindahan ay nasa unang palapag ng mga gusali.

  

IKA-APAT NA KABANATA

MGA DAPAT GAWIN SA ARAW NG PAHINGA



               Siyam na oras at kalahating minuto  akong nagtatrabaho sa loob ng isang araw. May dalawang araw kaming walang trabaho.  Dahil baguhan sa bansang ito siyempre kailangan mong mamasyal para makita ang kabuuan ng Macau.   Dahil bagong bukas ang hotel na pinagtrabahuan namin sabay pa kami ng araw ng pahinga ng mga bago kong kaibigan.  Namasyal kami sa lahat ng hotel dito Macau.  Lahat na ata ng sulok na pwedeng makuhanan ng larawan ay meron kami.  Napakasaya namin kapag araw na ng pahinga.  Ang kagandahan dito sa Macau kahit maliit na bansa lang ito ay meron silang mga magandang liwasan na pwedeng pasyalan.  May libre din na WI-FI at mga gamit pang ehersisyo.  Hindi mo na kailangan magbayad pa sa Gym.  Kaya kahit papano ay may mapag-libangan ka rin.  Bilib din ako sa mga tao dito kasi ang sisipag mag ehersisyo.  Napakagandang impluwensiya din ito sa akin.  Malaking tulong din ito para hindi magkasakit kasi mahirap magkasakit sa ibang bansa.  Walang mag-alaga sa’yo hindi katulad sa Pilipinas na andun ang pamilya mo.

               Ang isa pang maganda dito sa Macau ay kahit wala kang pera  na pamasahe ay pwedeng pwede kang sumakay sa mga shuttle bus ng mga hotel dahil libre lang.  Pati ang transportasyon para sa mga empleyado ay libre din.  Ang pagkain din namin ay libre kaya kapag hindi ka maluho malaki ang ma-ipon mo.  Sa loob ng halos tatlong taon ay nagpapasalamat ako na isang taon nalang at matatapos na ang bunso naming kapatid at natulungan ko ring matustusan ang mga gastusin ng isa ko pang kapatid na babae papuntang ibang bansa.  Kahit wala akong masyadong ipon at mga resibo nalang ang aking koleksyon, ang kasiyahan ko na makatulong ay hinding-hindi matumbasan ng kahit anong halaga.

Coloane mountain


Templo A-ma 


               At kapag gusto mo namang pumunta sa bundok at dagat, sakay ka lang ng bus papuntang Coloane.  Nasa isang oras lang ang biyahe galing ng Macau Peninsula.  Ang Coloane ay ang ikatlong peninsula ng Macau.  Sa bundok ng Coloane ay makikita mo ang napakalaking istatuwa ng Diyosang si A-Ma at ang malaking templo nito.  Kapag gabi din makikita mo ito kung ikaw ay nasa Cotai.  Ito ang unang templo ng mga Intsik na napuntahan ko.  Namangha ako at masaya dahil noon nakita ko at nabasa ko lang sa mga aklat ang templo ng Tsina.  Sa araw na iyon ay andun ako mismo.  Dalawang beses kaming pumunta doon.  Ang una ay mainit pa ang panahon at ang pangalawa ay taglamig na dito sa Macau. Bago ka makarating doon madaanan mo ang parke kung saan naroon ang tunay na Panda.  Oo, makikita mo ang isang buhay na panda. Kung nakapanood ka ng “Kung Fu Panda” ganun talaga ang hitsura ng panda na nandoon. Noong pumunta kami MOP 10 lang ang bayad para makita mo sa loob ang panda.  Ang building na pinaglagyan ng panda ay nasa loob ng isang malawak na liwasan.  Hanga ako sa mga tagarito kasi bawat liwasan nila ay may ibat-ibang mga dekorasyon na naayon sa okasyon.  Sa bandang Coloane din ay may mga malawak din na parke.  Maraming pinoy doon na nagpupunta para mag-ihaw, maglaro ng basketball at volleyball o mag camping.  Doon kasi pwede kang sumigaw if gusto mo kasi walang masyadong tao.  Bawal dito sa Macau ang sobrang maingay. MOP 600 ang multa kapag hatinggabi na at nag-ingay ka.  Dikit dikit kasi ang mga bahay dito kaya ito ginawa nila para madisiplina ang mga tao. Pwede ka ring matulog malapit sa dalampasigan ng Coloane kasi meron silang isang espasyo na mapagtayuan ng tolda.  May kaunting bayad sa upa dito.


               Kapag nagkataon naman na lingo na wala kang pasok, may mga katolikong simbahan din na pwede kang magsimba.  Kahit karamihan na nakatira dito  ay mga Intsik, noong unang panahon kasi dito nakatira ang mga Portuguese kaya may mga Katoliko na rin.  Hanggang ngayon din may mga naninirahan pang mga Portuguese dito.

Ruins of St. Paul

Senado square


               At sabi nila hindi mo masasabing nakapunta ka ng Macau kapag wala kang larawan ng San Ma-lou  o Senado Square at ang simbahang putol o Ruins of St. Paul.  May ibat-ibang larawan din ako dito noong pasko, bagong taon, taglamig at iba pang okasyon.  Habang kayo ay namamasyal at gusto niyong manigarilyo,  isang paalala  lang huwag kayong basta basta manigarilyo kahit saan kasi may multa din ito na 1500 Macau Pataca.  Malaking halaga na rin iyon kapag sa Peso.           

At kapag nagkataon na ang pagpunta ninyo dito ay taglamig, ugaliin ang pag-inom ng maligamgam na tubig.  Ang paborito ko ring kainin dito kapag taglamig ay ang “hotpot”.  Parang nakakatulong ito sa pagbuhay ng mga dugo mo.

IKALIMANG KABANATA
ANG PAMAMASYAL SA TSINA AT HONGKONG




Meron akong nag-iisang malapit na kaibigan dito sa Macau, siya ay isang babae na mas matanda sa akin.  Matagal na naming planong pumunta sa ibang lugar ng Tsina.  Ang Zhuhai ang pinakamalapit na lugar ng Tsina sa Macau.  Tatawid ka lang sa kabilang ibayo at makakaapak ka na ng bansang Tsina.  Pero hindi basta basta makakapunta doon kailangan ang grupo  ay may isang lalaki na kasama.  Magbabayad ka rin ng visa na MOP 200 bawat grupo.  Ang VISA na ito ay sa loob ng isang araw lamang.  Karamihan sa mga nagpunta doon ay may mga tour guide.  Pero nagtipid kami kaya hindi kami kumuha ng tour guide kasi ang isa naming kasama ay nakapunta na roon.  Nang makatawid na kami ng  border gate,  namangha ako sa lawak ng mga kalsada sa Zhuhai.  Marami ding mga murang bilihin doon.  Kaso bihirang-bihira ang marunong mag Ingles.  Kumain kami sa KFC doon at dahil wala kaming plano kung saan pupunta, nagpa-ikot-ikot lang kami sa isang lugar.  Meron ngang GPS ang isa kong kasama kaso wala namang WI-FI.  Buti nalang at nakakita kami ng Starbucks.  Bumili kami ng mainom at laking pasalamat naming na ang Kahera doon ay marunong magsalita ng Ingles. Nagtanong kami kung ano ang pinakamalapit na pwedeng pasyalan.  Isinulat niya sa salitang Intsik ang pangalan ng lugar.  Sabi niya ipakita lang namin sa drayber ng taxi ito at ang biyahe ay dalawampung minuto lang.  Ayon nakarating nga kami sa isang napakalawak na liwasan at alam nyo ba na ito ay dating palasyo sa panahon ng Ming Dynasty.  Napaganda sa lugar na ito.  Bundok siya na may maraming templo, may kanyon, paliguan, cable car at teatro sa bundok.  At namangha ako sa palikuran nila kasi nasa loob ng isang kweba.  Napakaganda talaga!   Meron ding mga tindahan doon at kung gusto mong magsuot ng damit ng mga sinaunang Tsino at magpakuha ng larawan ay pwede rin.  Meron nga lang bayad pero sulit naman.  Hindi namin nalibot ang buong palasyo kasi kinulang kami ng oras.  Pero sapat na nakapunta kami sa isang lugar na bahagi ng kasaysayan ng Tsina.


Peak tram - Hong Kong

Noong Ika-30 ng Enero ay nagpunta rin kami ng kaibigan ko sa Hongkong. Taglamig pa sa buwan na ito.  Pangako kasi namin na kailangang makapunta kami dito bago kami uuwi ng Pilipinas.  Kaya kahit ang pera namin ay kasya sa pamasahe lang at pambayad sa pagpunta sa “Peak Tram” ay ok lang.  Dalawa lang kaming pumunta doon.  Malapit lang kasi ang Hongkong sa Macau.  Apat na pung limang minuto lang ang biyahe kapag sasakay ka ng ferry.  At nakatipid kami dahil ang mga nagtrabaho sa hotel ay may labinlimang porsiyentong deskuwento.  Wala din kaming tour guide kaya ayon ang tagal naming makita ang terminal ng bus papuntang “The Peak”.  Sadyang hindi kami nagpaplano kapag namasyal para matuloy at maging masaya ang aming  karanasan. 



               Ang “Peak Tram” ay nasa pinakamataas na bahagi ng Hong Kong. Mayroon isang gusali doon na matatanaw ang iba’t ibang tanawin sa Hong Kong.  Andun ang “Madame Tussauds Museum”.  Pwede kang magpakuha ng larawan sa mga sikat na artista, pulitiko at manlalaro doon.  Hindi nga lang buhay pero parang totoo na rin sa larawan kasi ginaya kasi sila sa tunay na tao.  Meron ding nag-iisang tren doon.  Na kapag galing ka sa baba ay aakyat ito sa Peak tram.  Pero kami ay galing na sa taas, nagtaka kami kasi bakit paatras ang tren na sinakyan namin.  Iyon pala ang mga nakasama namin ay tapos ng mamasyal at pauwi na.  Ang nangyari ay bumili kami uli ng ticket para umakyat. Oh diba ang saya kapag walang plano.

               Bago  ka makarating sa Peak tram ay madaanan mo muna ang liko likong daan katulad ng daanan papuntang Baguio sa Pilipinas.  Medyo nakakatakot siya kasi ang bus nila ay dalawang palapag at dadaan sa bundok at mataas na bangin.  Kahit maliit na parte lang ng Hong Kong ang aming napuntahan ay masaya kaming bumalik sa Macau at natupad namin ang isa sa aming pangarap.

HULI AT BAGONG KABANATA NG AKING BUHAY

Isa sa tatlong tulay na nagdudugtong ng Macau at Taipa Peninsula 

Sa loob ng mahigit dalawang taon ko sa Macau, marami na rin akong koleksyon na mga susi kasi nakapitong lipat na ako ng bahay.  Wala kasi akong mga kagrupo pagdating ko dito.  Hindi katulad ng iba na may anim hanggang walo silang mga barkada.  Pag ganun Malaki ang tipid sa upa ng bahay at kung parehas kayo ng kompanyang pinagtrabahuan ay hindi kayo lipat ng lipat.  Hindi katulad ko na nag-iisa lang ng pumunta dito sa Macau.  Mahirap pag ikaw lang mag-isa kasi kung saan saan ka nalang titira.  Bawat lipat mo may bagong makasama ka at bagong pakikisama na naman.  Kaya kapag balang araw ay makapunta kayo dito na magtrabaho, huwag kayong bumili ng bumili ng maraming gamit kasi napakahirap maglipat.  Grabe ang hirap maglipat ng bahay dito lalo na pag ang bahay na lilipatan mo ay nasa Macau peninsula mismo kasi karamihan sa mga gusali ay limang palapag at walang makinang pangtaas.  Pwera nalang kapag nasa Taipa kasi lahat ng bahay dito ay may mga makinang pangtaas na.   Kahit nasa ika-dalawampung palapag ka pa ng gusali ok lang.

Hindi mo maiwasang maglipat ng bahay dito kasi una, mahal ang upa ng bahay.  Ang pinakamurang natirhan ko ay HKD 1100 ang upa namin bawat isa sa isang buwan at walo kami sa bahay.  Hindi pa kasali ang tubig, kuryente at WI-FI.  Kahit may mga lugar na libre ang WI-FI dito kailangan mo rin ito sa araw ng pahinga mo.   Nakakatulong din ito para hindi mo masyadong maisip ang lungkot ng pagkalayo sa pamilya.  At dahil napakabilis ng koneksyon ay kahit buong araw kang magbabad sa pakikipag-usap sa iyong mahal sa buhay at manonood ng palabas ay pwedeng pwede. Sana ganito kabilis ang koneksyon ng WI-FI sa Pilipinas.

Sa aking nalalapit na paglisan sa bansang ito ay marami akong magandang ala-ala.  Nagkaroon ako ng bagong kaibigan at bagong karanasan na maibahagi ko sa aking pamilya at sa inyong nagbabasa sa kwento ko. Dito ko rin napatunayan na kapag palagi kang nagdadasal at may positibong pananaw sa buhay ay siguradong malalampasan mo ang lahat ng pagsubok at kalungkutan.  At sa loob ng mahigit dalawang taon na iyon, pitong buwan ko lang naranasan ang maglinis ng labing-isang silid ng hotel.  Ito ang napakalaking himala na nangyari sa buhay ko.  Unang beses ko kasi itong magtatrabo bilang tagalinis ng mga silid ng hotel kaya sobrang nahirapan ako at hindi na kinaya ng katawan ko ang sobrang pagod.  Tatapusin ko na sana ang unang taon ng aking kontrata at umuwi na ng Pilipinas. Pero sa awa ng ating Panginoon Diyos, binigyan niya pa ako ng pagkataon na manatili ng dagdag na dalawang taon. Dahil sa kabutihang loob ng isa kong amo na Intsik, inilipat ako sa ibang departmento na kakayanin ko ang trabaho.  Ako ay lubos na nagpapasalamat sa poong maykapal  na binigyan niya ako ng biyaya para makatulong sa aking pamilya.

At sa aking pagbalik sa Pilipinas ngayong Hunyo, baon ko ang hindi makalimutang alaala na minsan sa aking buhay nakarating ako ng Macau at nakaapak sa isa sa pinaka-malaking bansa sa Asya-ang Tsina.  Ilang araw nalang at nalalapit na ang pag-uwi ko sa Pilipinas. Sabik na sabik na akong makasama ang aking pamilya lalong lalo na ang aking pinakamamahal na anak.  Parang gusto ko ng hilahin ang mga araw para makauwi na.  Iba pa rin ang makasama mo ang pamilya kahit na mahirap ang buhay, ibang-iba ang saya kapag kapiling mo sila.





  




No comments:

Post a Comment